Kumpiyansa ang Bureau of Jail Management and Penology o BJMP na malulutas na ang matagal na nilang problema ng Jail congestion sa Quezon City Jail.
Ito’y makaraang pasinayaan ngayong umaga ang bagong pasilidad ng Quezon City Jail sa Payatas na binubuo ng 3 gusali na may tig 5 palapag at may 440 mga selda.
Ayon kay QC Jail Warden J/Supt. Michelle Bonto, nagkakahalaga ng 139 milyong piso ang bagong Quezon City Jail sa Payatas na itinayo sa loob ng isa’t kalahating taon.
Sa tulong ng Lokal na Pamahalaan, naipatayo ang isang moderno at mas malaking pasilidad na may sukat na 240,000 metro kwadrado kumpara sa 3,191 metro kwadrado na dating pasilidad nito sa bahagi ng Kamuning.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Bonto sa Pamahalaang Lungsod dahil sa paglalaan nito ng pondo at pagtulong sa paghahanap ng lupain para maitayo ang kanilang pasilidad. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)