Muling iginiit ng Departent of Education (DepEd) ang pangangailangang masolusyunan ang matagal nang problema hinggil sa kakulangan ng silid-aralan sa bansa.
Dahil dito, sinabi ni Education Sec. Leonor Briones na dapat matapatan ang dumaraming bilang ng mga estudyante sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga medium rise school building.
Sa pagbubukas ng Design Exhibit ng DepEd sa Pasig City, sinabi ni Briones na plano nilang magpatayo ng nasa 5 hanggang 12 palapag o higit pa na mga school building lalo na sa mga lugar na matataas ang student population at may limitadong espasyo para sa pasilidad.
Binigyang diin ni Briones na nakalinya ang mga bagong disenyo ng school buildings sa “Green and Sustainable Tropical Design Principles” na makatutulong ding maibsan ang epekto ng climate change.
Kaya aniyang makatagal nito sa hagupit ng mga bagyo dahi sa maayos ang structural system kaya’t makatitiyak na ligtas ang mga mag-aaral na gagamit dito.
Gayunman, sinabi ni Education Usec. Alain Pascua bukas sila na ibigay ang mga disenyo sa mga Lokal na Pamahalaan na magnanais magpatayo ng school buildings dahil sila ang may kakayahang maglaan ng pondo para rito. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)