Kasabay ng ika-53 anibersaryo ng New Peoples Army (NPA), sabay-sabay na sumuko sa mga militar ang anim na miyembro ng kumunistang grupo sa South Cotabato.
Ayon kay Police Col. Nathaniel Villegas, Provincial Director ng South Cotabato Police Provincial Office (SCPPO), kabilang sa nagbalik-loob sa pamahalaan ang limang kasapi ng Guerilla Front 73 Far South Mindanao Region at isang mass supporter ng Guerilla Front Alip GF 72 bitbit ang kanilang mga armas.
Resulta din ito ng isinagawang community outreach program ng SCPPO sa mga lugar na may presensya ng Communist Terrorist Group (CTG).
Nakatanggap naman ng cash assistance at grocery items ang mga sumukong rebelde bilang paunang tulong mula sa SCPPO.
Hinihikyat naman ni Villegas ang iba pang mga naiwang miyembro at supporters ng npa na magbalik-loob na upang matulungan at makabenepisyo sa mga programa ng gobyerno.
Una nang ipinangako ng pamahalaan na makakatanggap ang mga rebeldeng grupo ng financial assistance at livelihood assistance sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP). —sa panulat ni Angelica Doctolero