Sinungaling ka!!! ang magiging tema ng paggunita sa ika-anim na anibersaryo ng Maguindanao massacre sa Nobyembre 23.
Ayon kay Joel Egco, Pangulo ng NPC o National Press Club, sisingilin na nila ang Pangulong Benigno Aquino III sa pangako nitong reresolbahin ang kaso ng pagpatay sa 58 katao na kinabibilangan ng 32 mamamahayag noong November 2009.
Sinabi ni Egco na wala ring nagawa ang Pangulo sa patuloy na pagpatay sa mga miyembro ng media.
“Sinungaling ka, yan ang ating tema ngayon, malinaw na pangako na yan ang pagresolba diyan sa Maguindanao massacre at pagputol sa tuluy-tuloy na kaso ng pagpatay ng media, for this year kumbaga sisingilin na natin siya sa mga pangako niya kaya yan an gating tema, sinungaling ka!” Pahayag ni Egco.
Tulad ng dati, babalutin ng telang itim ang tanggapan ng NPC sa anibersaryo ng Maguindanao massacre.
Sa huling pagkakataon sa ilalim ng Aquino administration ay magmamartsa rin ang mga taga-NPC, iba pang miyembro ng media at pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre mula sa tanggapan ng NPC patungo ng Mendiola.
Gagawa rin ang NPC ng effigy ni Pangulong Aquino na may mahabang ilong na may backhoe sa dulo bilang simbolo ng di umano’y pagsisinungaling nito na aaksyunan ang Maguindanao massacre at media killings.
Batay sa datos, nasa mahigit 30 na ang napatay na mamamahayag sa ilalim ng Aquino administration.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas