Tatlo ang patay kabilang na ang dalawang bata matapos ang naganap na sunog sa Barangay Calzada, Tipas, Taguig City.
Natagpuang patay sa loob mismo ng palikuran ang isang ginang na kinilalang si Ivy Berde, 33-anyos kasama ang kaniyang dalawang anak na kinilalang sina Chris Vynard, 4-anyos; at Chris Jhayvien.
Base sa imbestigasyon, nailigtas pa ni Ivy ang kaniyang ina at apat na buwang gulang na anak bago bumalik para naman iligtas ang naiwan pa niyang mga anak sa loob ng kanilang nasusunog na bahay pero hindi na ito nakalabas ng buhay.
Ayon kay SFO1 Jerry Panganiban ng Taguig City Bureau of Fire Protection, umabot sa 50 mga bahay ang natupok ng apoy na pawang gawa sa light materials.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad ang sanhi ng sunog sa lugar kung saan, tinatayang P350K ang halaga ng ari-ariang natupok sa insidente.
Sa ngayon, pansamantalang nanunuluyan sa mga paaralan ang mga apektado ng sunog habang namigay narin ng relief packs ang mga tauhan ng Barangay at Taguig City Government. —sa panulat ni Angelica Doctolero