Nagluluksa ang mga operatiba ng Philippine National Police o PNP sa pagkamatay ng isa nilang kasamahan matapos ang pananambang ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army o NPA.
Kinilala ni Police Regional Office 8 Director, P/BGen. Bernard Banac ang nasawi na si Pat. Havie Lovino, 30 anyos na nakatalaga sa 1st Provincial Mobile Force Battalion ng Northern Samar PNP.
Ayon kay Banac, pabalik na sana ang convoy ng Militar at Pulisya sa kani-kanilang mga kampo nang tambangan sila ng mga rebelde sa bahagi ng Brgy. San Miguel, bayan ng Las Navas kahapon ng madaling araw.
Improvised Explosive Device o IED ang ginamit ng mga rebelde sa pananambang na ikinasawi ni Lovino at ikinasugat ng 4 pa niyang kasamahan na sina Pat. Rico Borja gayundin sina Army Cpl. Arvin Papong, Private 1st Class Whilydel Rodona at Private 1st Class Wilmer del Monte.
Nakarating na kay PNP Chief, PNP Gen. Dionardo Carlos ang insidente at mariin nitong kinondena ang panibagong pag-atake na ito ng NPA sa mga tropa ng Pamahalaan.