Aabot sa 1,250 mga Person Deprived of Liberty (PDLs) mula sa Quezon City Jail ang isinailalim sa HIV screening at treatment gayundinng counselling.
Layon nito na bigyang edukasyon ang mga PDL hinggil sa epektong dulot ng HIV sa kalusugan at upang matukoy kung sinu-sino sa mga nakakulong ang nagtataglay na ng naturang sakit upang agad na mabigyan ng sapat na atensyon.
Ayon kay Quezon City Jail Spokesperson, J/Supt. Michelle Bonto, kailangan lang pumirma ng counselling form at consent form ang mga PDL bago sila isailalim sa HIV screening.
Kukuhanan din sila ng sample ng dugo na nasa 5ml at ito nama’y ipoproseso sa isang laboratoryo para matukoy kung positibo o hindi ang pasyente sa naturang virus.
Sakaling magpositibo sa unang test, daraan naman sila sa confirmatory test at sakaling magpositibong muli ay duon na sila isasailalim sa masusing counselling subalit tiniyak na hindi sila makikilala.
Katuwang ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na siyang nangangasiwa sa Quezon City Jail ang Bernardo Social Hygiene Clinic sa pagsasagawa ng HIV testing at screening sa mga PDL.