Tiwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na kanilang matutupad ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin ang communist insurgency bago matapos ang termino nito sa Hunyo.
Iyan ang inihayag ni AFP Chief of Staff, Gen. Andres Centino matapos i-ulat ng militar ang pagneutralized sa may 332 na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa unang bahagi ng taong ito.
Mula sa naturang bilang, 266 sa mga ito ang mga nagsisuko, 37 ang nasawi sa ikinasang operasyon habang aabot naman sa 29 ang naaresto ng military.
Pinakamarami sa mga sumuko ay sa Eastern Mindanao na may 114, sinundan ito ng Western Mindanao na may 58, Southern Luzon na may 37, Visayas na may 36, Northern Luzon na may 20 at 1 sa bahagi ng Palawan.
Ayon naman kay AFP Public Affairs Office Chief, Col. Jorry Baclor, malaking tulong ang ibinigay na suporta ng mga lokal na Pamahalaan sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na siyang nagsilbing hadlang sa paglakas ng pwersa ng mga rebelde. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)