Nagpatupad na ng ban ang Department of Agriculture (DA) para sa importasyon ng mga produktong manok sa Pilipinas na nagmumula sa US.
Dahil ito sa naitalang kaso ng Avian Influenza o bird flu sa naturang bansa.
Sa memorandum na nilagdaan ni Agriculture Secretary William Dar, ang importasyon ng domestic at wild na ibon kasama ang karne nito, day-old na sisiw, itlog mula sa Missouri, South Dakota, North Dakota, Minnesota at Iowa ay hindi muna pinapayagan.
Nabatid na batay sa ulat ng World Organization for Animal Health OIE, ilang kaso ng Athogenic Avian Influenza o HPAI-H5N1 ang naitala sa bansa.
Unang na-detect ang bird flu sa Pilipinas noong Enero 6 sa Barangay Barangka sa Baliuag, Bulacan.
Sunod itong naitala sa Bataan, Camarines Sur, Laguna, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga, Sultan Kudarat at Benguet.
Sa ngayon, aabot na sa 25 milyong piso ang inilaan ng gobyerno para sa mga may-ari ng sakahang apektado ng bird flu sa bansa. —sa panulat ni Abby Malanday