Tinutulan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mungkahing alisin ang ipinaiiral na deployment ban ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Middle East.
Ibinasura ni Labor Attaché Alejandro Padaen ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Lebanon ang naging mungkahi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Abdullah Mama-O dahil hindi umano ito nakabubuti sa mga manggagawang Pilipino.
Matatandaang nais ni Mama-o na alisin ang suspensyon sa pagdadala ng mga Newly hired na skilled at household service workers sa Kingdom of Saudi Arabia at iba pang mga bansa sa rehiyon, kabilang na ang Libya at Iraq.
Ayon kay Padaen, dapat na kumunsulta at pag-aralan munang maigi ang sitwasyon sa pagitan ng bansa at middle east bago gumawa ng hakbang.
Sinabi ni Padaen na hindi pa nakakarekober ang bansa sa political at economic crisis at hindi pa nakapaglalabas ng kasunduan kaugnay sa standard contract, lalo na sa mga domestic workers. —sa panulat ni Angelica Doctolero