Timbog ang anim na nagpakilalang mga miyembro ng isang religious group sa tangkang pangingikil ng 50 million pesos mula sa isang congressional candidate.
Kinilala ang leader ng grupo na si Amelito Dela Cruz, na iprinisenta ang sarili bilang ministro ng Iglesia ni Cristo (INC).
Ayon kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves, nakipag-usap sa kanya ang mga suspek noong nobyembre at nagpakilalang mga opisyal ng INC.
Nangako umano ang mga ito na i-e-endorso siya sa halalan kapalit ng malaking halaga ng pera at humingi ng downpayment na 25 million pesos.
Kaagad namang nagpasaklolo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kongresista.
Inihayag ni NBI Director Eric Distor na nakausap na nila ang INC at kinumpirmang hindi nila miyembro ang mga naarestong suspek.