Napasakamay ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang Certificate of Merit mula sa International Social Security Association kaugnay sa Electronic Premium Remittance System (EPRS) ng PhilHealth sa idinaos na Virtual Social Security Forum for Asia and the Pacific 2022 sa Geneva, Switzerland.
Binigyang parangal ang PhilHealth EPRS dahil sa “Pioneering Digital Transformation in Premium Contribution” sa ISSA Good Practice Awards Asia and the Pacific Competition 2021 na nilahukan ng 19 na bansa.
Ang EPRS ay isang web based application na available sa government at public sector employers para sa mas mabilis at maayos na remittance at reporting ng PhilHealth contributions ng kanilang mga empleyado.
Sa pamamagitan ng EPRS mabilis na makakapag-update ang employers sa listahan ng kanilang empleyado kasama ang suweldo ng mga ito, Statement of Premium Account (SPA) at maaaring makapagbayad pa online sa mga Bancnet member banks tulad ng BPI, landbank of the Philippines, Security Bank at Union Bank.
Binigyang diin ng PhilHealth na ang EPRS ay malaking patunay ng benepisyo nito sa mga employer para mapanatili ang updated list ng kanilang mga empleyado at malaking tulong din sa mismong PhilHealth para hindi na maubos ang oras sa manual processing sa gitna ng pangambang dulot pa rin ng COVID-19 pandemic.
Dahil dito, hinimok ng PhilHealth ang mga employer na i-avail ang EPRS para sa mas efficient, convenient at ligtas na pagpo-proseso ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado.