Timbog ang isang bigtime drug pusher habang aabot naman sa 12 kilo ng hinihinalang shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD).
Ito’y sa ikinasa nilang buy-bust operations ng pinagsanib na puwersa ng QCPD at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP Drug Enforcement Group (PDEG) sa panulukan ng kalye Examiner at Quezon Avenue sa nabanggit na lungsod.
Kinilala ni QCPD Director, P/BGen. Remus Medina ang naarestong drug suspek na si Bryan Macarimbang, 34 anyos at residente ng Muslim Center sa Quiapo, Maynila.
Nasukol ang suspek matapos magpositibo nitong tanggapin ang pera mula sa isang Pulis na nagpanggap na poseur buyer na siyang hudyat ng pagsalakay ng mga awtoridad.
Maliban sa P1-M boodle money na ginamit sa transaksyon, nasabat din ang nabanggit na dami ng shabu na nagkakahalaga ng P81.6-M.
Nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang naarestong suspek na sinasabing malaking distributor ng iligal na droga sa area ng Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)