I-vineto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isinusulong na Sim Card Registration Act.
Ayon kay Acting Presidential Spokesperson Martin Andanar, hindi sumasang-ayon ang pangulo sa ilang nakasaad sa batas gaya ng pagsama ng “social media”.
Posible kasi itong mauwi sa “State intrusion and surveillance” o pangingialam at pagbabantay ng estado na labag sa mga karapatang protektado ng konstitusyon.
Giit ng pangulo, kailangan pang pag-aralang mabuti ang probisyon ng panukala sa social media.
Samantala, ilang senador naman ang nadismaya sa ginawa ng pangulo.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, magtutuloy-tuloy ang bombings, blackmail at scams gamit ang prepaid sims.
Tila binati naman ni Senator Franklin Drilon ang mga trolls sa naging aksyon ng pangulo, dahil malaking panalo para sa troll farms ang desisyon nito.
Maliban sa mga senador na nadismaya sa pag-veto, ikinatuwa naman ito ni House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate dahil paglabag ang panukala sa karapatan ng lahat. —sa panulat ni Abby Malanday