Pinalagan ng mga dating supporter ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang isinagawang press conference kasama ng kanyang ilan sa kapwa presidential candidate.
Ang naturang press con ay ipinatawag nina Moreno, Senator Panfilo Lacson at dating Defense Secretary Norberto Gonzales upang tiyaking hindi sila aatras sa May 9 elections.
Nanawagan din ang tatlo na mag-withdraw ang kapwa kandidatong si Vice President Leni Robredo, na pangalawa sa survey frontrunner na si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kina Thomas Orbos, Elmer Argaño, Rommel Abessamis, Philip Evardone at Ed Cojuangco, mas nagmukhang kakampi pa ni Marcos ang mga nagpatawag ng press con sa Manila Peninsula Hotel.
Lumalabas din anila na isang uri ng “vindictive machismo” ang ginawang pag-atake ng tatlo sa babaeng kandidato at mas natakot sa number 2 kaysa number 1 sa pre-election surveys.
Magugunitang nag-ober-da-bakod ang grupo nina Orbos na Ikaw Muna Pilipinas sa kampo ni Robredo mula kay Moreno.