Pinagpapaliwanag ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) kung bakit may operasyon ng ‘E-sabong’ kahit Mahal na Araw.
Sa pagdinig ng kumite kahapon, iginiit ni Senator Francis Tolentino na dapat ay nirespeto ng PAGCOR ang tradisyon ng mga kristisyano, lalo noong Biyernes Santo.
Ito, ayon kay Tolentino, ay Gross violation o matinding paglabag sa pananampalataya ng mga kristiyano. Kahit anya ang mga Casino na pinatatakbo ng PAGCOR ay sarado noong Biyernes Santo bilang respeto pero kapansin-pansin ang pagpapatuloy ng Online talpak.
Sinegundahan naman ito ng chairman ng kumite na si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa at sinabing nalungkot siya nang malaman ang hinggil dito.
Binigyang-diin ni Dela Rosa na kahit mga politiko ay pansamantalang tumigil sa pangangampanya bilang respeto sa Semana Santa kaya’t dapat madinig ang paliwanag ng PAGCOR sa issue. — ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)