Nabunyag sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means na ipinupuslit na rin papasok ng bansa ang cooking oil o mantika.
Inihayag ni Albay Rep. Joey Salceda, Chairman ng Komite na aabot na sa P300-B ang halaga ng mantikang ini-smuggle sa bansa.
Ayon kay Salceda, posibleng may mga kasabwat sa Bureau of Customs kaya naipupuslit ang nasabing produkto at napakabagal ng proseso upang maparusahan ang mga nasa likod ng smuggling.
Inihalimbawa ng mambabatas na sa kanilang lalawigan sa Albay lamang ay bumabaha na ng palm oil mula Malaysia at nakalulusot ito sa pitong entry point, kabilang ang Subic.
Nilinaw naman ni Department of Agriculture – Bureau of Animal Industry Director Reildrin Morales na ang nasabing halaga ng smuggled mantika sa bansa ay mula pa noong 2016 hanggang 2021.
Samantala, tiniyak ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na iniimbestigahan na nila ang nasabing issue at nagsasagawa na rin ng audit sa mga kumpanyang sangkot.