Maglalagay ng nakabukod na ‘polling area’ para sa mga botante na makikitaan ng sintomas ng COVID-19 pagsapit ng eleksyon sa Mayo 9 ang Commission on Elections (COMELEC).
Ayon kay COMELEC Commissioner George Garcia, plano nilang makipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) upang maplantsa ang mga panuntunan ukol dito.
Inaasahang dadagsa sa mga voting precincts sa araw ng halalan ang nasa 67.5 million na botante na agad munang susuriin kung nagtataglay ng sintomas ng COVID-19.
Nabatid na ilalagay ang mga ‘isolation polling area’ sa tabi lang ng presinto at plano rin ng COMELEC na maglagay ng nakahandang medical team sa mga presinto para mabilis na maaksyunan ang mga taong magkakaroon ng isyung medikal.