Pinuna ng isang public transport practitioner ang pagtuturuan ng LTFRB at MMDA sa perwisyong idinulot sa libu-libong pasahero ng implementasyon window hours para sa mga provincial bus.
Ayon kay Atty. Alexander Verzosa, isang public transport practitioner, ang nasabing polisiya ay taliwas sa prinsipyong ang “kapakanan ng taumbayan ang pinaka-mataas na batas ng bayan”.
Sa kanyang liham kay LTFRB Chairman Martin Delgra, ipinunto ni Verzosa na ini-rerequire pa rin naman ng board sa mga provincial bus operator na gamitin ang mga Integrated Terminal Exchange alinsunod sa Memorandum Circular 2020-051 noong September 30, 2020.
Gayunman, lalo anyang gumulo nang mag-anunsyo ang MMDA na magpapatupad ng window hours simula alas-10 ng gabi hanggang ala-5 ng umaga para sa mga provincial bus.
Sa nasabing mga oras lamang maaaring maglabas-masok sa Metro Manila o gamitin ng mga provincial bus ang kanilang mga pribadong terminal batay sa “paki-usap” upang maiwasan umano ang mabigat na daloy ng trapiko.
Nagtataka naman si Verzosa kung kailan pa pinayagan ang MMDA na amyendahan o baguhin ang memorandum ng mandatory policy ng LTFRB.
Iginiit ni Attorney Verzosa na karapatan ng publiko, partikular ang mga pasahero na maramdaman ang maayos at konbinyenteng public transport service na responsibilidad ng gobyerno.