Nakapagtala ang Davao City ng 370 na kaso ng dengue sa 11 barangay mula Enero a-primero hanggang Abril 19.
Batay sa ulat ng City Health Office, sa nasabing bilang, tatlo na ang nasawi dahil sa sakit.
Ayon kay Beth Banzon, pinuno ng City Health Office-Davao Tropical Diseases and Nutrition Division, sa datos sa unang kwarter ay naitala ang 299 na mga kaso, kung saan ay mas mataas ito ng 11.56 percent kumpara sa 268 cases na naitala sa parehong panahon noong 2021.
Kabilang aniya sa mga lugar na may dengue cases ay ang Barangay Dumoy, Barangay 5-A, Barangay 8-A, Barangay 10-A, Barangay 20-B, Catalunan Grande, Barangay 19-B, Matina Aplaya, Marilog Proper, Barangay Malabog sa Paquibato District, at Barangay San Antonio sa Agdao District.
Paliwanag ni Banzon, ang pagtaas ng bilang ng dengue cases ay dulot ng maulang panahon, hindi paglilinis ng kapaligiran, at pag-iimbak ng tubig nang hindi tinatakpan ang mga container.
Kaugnay nito, hinimok ng opisyal ang mga mamamayan na magtulungan sa paglilinis ng kapaligiran at sirain ang mga posibleng breeding site ng mga lamok upang maiwasan ang dengue.