Tiniyak ng National Vaccination Operations Center (NVOC) na sapat ang suplay ng bakuna kontra COVID-19 para sa pagtuturok ng ikalawang booster shot sa mga immunocompromised na indibidwal.
Ayon kay NVOC chairperson Dr. Myrna Cabotaje, sapat din ang bakuna para sa pagbibigay ng primary doses at booster shots.
Pero nilinaw ni Health Secretary Francisco Duque III, na tanging mga immunocompromised lamang ang pwede sa second booster shot gaya ng may cancer, recipients ng organ transplants, HIV/ AIDS patients at ilang kaparehong sakit na nakapaloob sa rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council.
Sa ngayon, aabot na sa halos 12M indibidwal na ang nakatangap ng kanilang third dose o unbang booster shot.
Samantala, binigyang diin ng DOH na tuloy pa rin ang pagbibigay ng primary doses at 3rd dose sa mga mga COVID-19 vaccination sites. -sa panulat ni Abie Aliño-Angeles