Inihayag ni Comelec Commissioner George Garcia na inimbestigahan na ng komisyon ang pagkaantala ng isasagawa sanang presidential at vice presidential Townhall Debate ngayong weekend sa Sofitel Philippine Plaza na pangungunahan ni Commissioner Rey Bulay.
Aniya, hindi puwedeng palampasin lamang ang naturang pagka-unsyame gayong kahit aniya paano ay napahiya rin ang Comelec ukol rito.
Dagdag ni Garcia na inaasahan nitong lalabas ang resulta ng imbestigasyon bago matapos ang araw ng Biyernes kung saan pananagutin ang mga dapat managot.
Nabatid na ang naturang pagpapaliban ay nangyari matapos mabigo ang event organizer na Impact Hub Manila na tuparin ang mga obligasyon nito sa pagbabayad sa Sofitel Philippine Plaza, na nagkakahalaga ng P14 milyon kung saan ayon sa hotel ilang beses tumalbog ang tsekeng ibinigay ng nasabing organizer.