Nanawagan sa Chinese Government ang Consul General sa Shanghai na magkaroon ng malinis at maayos na quarantine facility ang mga Pilipinong nagpositibo sa COVID-19.
Kasunod ito nang nagviral na video matapos ibahagi ng isang Pinay ang kanilang kalagayan sa Shanghai, China matapos magpositibo sa COVID-19.
Nabatid na madumi ang mga pasilidad na kanilang ginagamit, walang maayos na sahig, at wala ring gumagamang drainage.
Bukod pa dito, nababahala narin sila sa kanilang kaligtasan dahil mayroon ding faulty wiring, kwestyonableng source ng tubig, at posibleng pagkakaroon ng iba pang mga sakit dahil sa poor living conditions sa nabanggit na lugar.
Ayon kay Consul General Josel Ignacio, sumulat na sila ng liham sa Chinese Foreign Ministry upang tugunan ang kakulangan at pangangailangan ng mga Pinoy sa Shanghai.
Nakapaloob sa panawagan ni Ignacio ang pagkakaroon ng maayos at malinis na pasilidad at pagtalima sa international standards sa hygiene sanitation at tubig.