Naglatag ng pansamantalang solusyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga pasaherong apektado ng bus window hours.
Inaabot na kasi ng dis-oras ng gabi ang mga pasaherong naghihintay ng mga bus palabas ng National Capital Region.
Ayon sa LTFRB, maglalagay ang kanilang ahensya ng Rescue Augmentation Buses sa Pampanga para dalhin ang mga pasahero sa NLET sa Bulacan at PITX sa Parañaque.
Pagdating naman sa nasabing terminal ay muling magkakaroon ng libreng sakay ang mga pasahero papunta naman sa Araneta Bus Terminal sa Quezon City upang masolusyonan ang problema sa window hour scheme ng mga provincial bus.
Samantala, nanawagan naman ang LTFRB sa mga pasahero na huwag sumakay sa mga colorum na bus at taxi at sumakay nalang sa libreng sakay ng kanilang ahensya habang inaayos pa ang problema sa operasyon ng mga provincial bus.