Naglabas na ng subpoena ang Commission on Elections – Law Department kay Quezon City 5th District congressional candidate Rose Nono Lin at iba pang indibidwal na umano’y sangkot sa vote buying.
Ito’y makaraang maghain ng reklamo ang Koalisyong Novalenyo Kontra Korapsyon at ng Alyansa ng mga Mamamayan ng Bagbag dahil sa paglabag ng mga akusado sa Omnibus Election Code.
Ipinatawag din sina Lorelie Alejo, Danny Maniquis, Danilo Endraca, Emily Tatel, Jackie Taio, Yolanda Villaluz, Haydee Burabo, Luisito Tojon, Lucianna De Guzman, Sweet Macayan, Imelda Maniquis, Miles Mansueto, Maria Buensuceso, Erwin Manabat, Alma Polenday at Rudy Crispino.
Inatasan sila ng poll body na magsumite ng counter-affidavits sa Mayo 16 o bago ang nasabing petsa.
Alinsunod sa Omnibus Election Code, sinumang mapatutunayang guilty sa election offense ay maaaring makulong ng hindi bababa sa isang taon at hindi rin lalampas ng anim na taon.
Tatanggalan din ito ng karapatan na makaboto at magsilbi sa anumang tanggapan ng pamahalaan.