Natagpuan na ang 13 anyos na babae na mahigit isang linggo nang pinaghahanap sa bayan ng Madella, Quirino.
Gayunman, bangkay na at naagnas na ang biktimang estudyante na si Glaiza Mae Saguiped, nang madiskubreng palutang-lutang sa gilid ng sapa.
Ayon sa Quirino Provincial Police, pinaniniwalan ng mga kamag-anak na may kumuha sa biktima mula sa kanilang bahay sa Barangay Dipintin noong Abril 14.
Mag-isa lang umano sa bahay noon si Saguiped dahil nakipag-lamay ang kaniyang amang si Alfredo sa isa nilang kaanak pero kinaumagahan, wala na ang dalagita.
Hinihinala ng mga kaanak ng biktima na ginahasa muna ito bago patayin at itapon sa sapa.
Nananawagan naman ng katarungan si Mang Alfredo para sa kanyang anak at hiniling sa pulisya ang agarang pag-aresto sa sinumang nasa likod ng pamamaslang.