Ipinauubaya na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na administrasyon ang anumang pasya hinggil sa Oil Exploration activities sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa gitna ng territorial dispute sa pagitan ng Pilipinas, China, Vietnam, Malaysia, Taiwan at Brunei sa nasabing karagatan.
Kamakailan ay sinuspinde ng Department of Energy ang lahat ng Oil Exploration activities sa WPS hangga’t hindi naglalabas ng “clearance to proceed” ang Security, Justice, and Peace Coordinating Center (SJPCC) ng gabinete.
Nagtataka si Lorenzana, na chairman ng SJPCC, kung bakit ngayon lamang ipinagpatuloy ang Oil Explorations gayong noong 2020 pa inalis ang moratorium o tumagal pa ng mahigit isang taon.
Kailangan anya ang security clearance dahil tiyak na may mga haharaping problema ang sinumang magsasagawa ng exploration, partikular ang pagtutol ng China.
Nilinaw naman ng kalihim na sarili itong proyekto ng Pilipinas at hindi kasama ang China taliwas sa 2018 Agreement para sa Joint Exploration pero hindi na matitinag ang pasya ni Pangulong Duterte na ipatigil ang paghahanap ng langis.