Nagbabala ang isang Infectious Disease Specialist na ang mababang bilang ng mga nagpapaturok ng booster shot ay posibleng maging dahilan ng panibagong surge ng COVID-19 infections sa bansa.
Ito ay sa gitna ng banta ng bagong variant ng Omicron na na-detect sa Baguio.
Ayon kay Dr. Rontgene Solante, Chief ng Adult Infectious Disease and Tropical Medicine Unit sa San Lazaro Hospital sa Maynila na ang Omicron BA.2.12 sub-variants ay isang highly transmissible pero hindi nakikita na magdudulot ito ng severe infection.
Binigyang-diin naman niya ang pangangailangan ng booster dose para mapanatili ang proteksyon mula sa bakuna habang ito ay humihina pagkatapos ng ilang buwan.
Samantala, hinimok ni Solante ang publiko na mahigpit na sundin ang health protocols at kumpletuhin ang pagpapabakuna kung hindi pa nakakatanggap.