Limang hinihinalang carnapper at holdaper ang patay matapos makipagsagupaan sa mga pulis sa Tabuk City, Kalinga.
Ayon kay Kalinga Police Provincial Office-Deputy Provincial Community Affairs, Maj. Garry Gayamos, matapos nilang mamonitor ang mga suspek ay agad silang naglagay ng checkpoint.
Galing umano sa bayan ng tinglayan ang grupo upang kumuha ng mga iligal na droga.
Gayunman, habang nasa checkpoint ang mga pulis sa national highway sa Barangay Bulo, Tabuk City ay may isang kotse na biglang humarurot at pinaputukan ang mga otoridad.
Sa halip anya na huminto para ma-inspeksyon ay tumakbo ang kotse ng mga suspek kaya’t hinabol ng mga pulis hanggang dumiretso sa kanal ang kanilang sasakyan sa Barangay Malalao.
Dito na na-corner ng mga otoridad ang mga suspek na nakipagbarilan sa mga pulis.
Narekober sa limang hinihinalang holdaper at carnaper ang apat na caliber 45 pistol, granada, 23 bricks ng marijuana na may kabuuang halaga na 2.7 million pesos.
Pawang mga miyembro ng notorious na grupo ng mga carnapper at holdaper ang mga napaslang na nag-ooperate sa Region 2, 3 at 4.