PORMAL nang pinasinayaan ang bagong opisina ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa Robinsons Magnolia sa Quezon City ngayong araw, Mayo 2.
Si DICT Sec. Manny Caintic ang nanguna sa inagurasyon, kasama ang iba pang opisyal ng ahensya at Presidente at CEO ng Robinson Land Corporation na si Frederick Go.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Caintic na ang bago nilang tanggapan ang magiging ‘home base’ ng Digital Infrastructure Program na siyang pinakamalaki o flagship program ng DICT sa ilalim ng Duterte administration.
Nabatid na kasama sa programa ang National Broadband Program, National Government Data Center, at Free Wi-Fi for All Program.
Ayon kay Caintic, ngayong patapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, umaasa siya na ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang mga nasimulang programa ng ahensya.
Mahalagang aniyang maipagpatuloy ang pagpapalawak sa access, resonableng bilis, at kalidad ng internet connectivity sa Pilipinas.
Bukod dito, magtatayo rin ang DICT ng Common Digital Infrastructure para tulungan ang mga telco o telecommunications companies sa paghahatid ng serbisyo kahit sa malalayo at liblib na lugar sa bansa. (GP)