Nagpaalala sa mga botante ang Commission on Elections (Comelec) na mas mainam ang pagdadala ng kodigo sa kanilang pagboto sa mismong araw ng botohan sa Mayo a-9.
Sa pahayag ni Commissioner George Garcia, malaking tulong ang pagdadala ng listahan ng mga kandidatong kanilang iboboto para maiwasan ang kalituhan at mas mapabilis ang gagawing pagboto.
Sinabi ni Garcia, na ilagay nalang sa papel ang mga pangalan na kanilang iboboto sa eleksiyon at huwag sa mismong cellphone at iba pang gadget upang hindi mapaaway sa mga watcher o mga magbabantay sa mga district at polling precinct.
Ipinagbabawal kasi ng komisyon ang pagkuha ng litrato sa mga balota maging ang pag-selfie sa loob ng polling precinct dahil nakaaabala umano ito sa pagboto.
Bukod pa dito, ipinagbabawal din ang pagtambay sa mga presinto dahil nananatili pa rin ang banta ng COVID-19.