Marami pang foreign telecommunications company ang nagpahayag ng interes na mag-invest sa Pilipinas matapos isabatas ang inamyendahang Public Service Act.
Ayon kay Department of Information and Communications Technology Secretary Emmanuel Rey Caintic, papaspasan na nila ang proseso ng aplikasyon sa sinumang nais na pumasok at mag-alok ng TelCo services sa bansa.
Ilan anya sa mga kompanyang ito ay mula sa US at Europa na hindi muna niya pinangalanan.
Una nang ibinunyag ng Department of Trade and Industry na plano ng Spacex, na pagmamay-ari ng pinaka-mayamang tao sa mundo na si Elon Musk, na magtatag ng Starlink Satellite Broadband Service sa Pilipinas.
Kinumpirma rin ni Trade Secretary Ramon Lopez na tutulungan nila ang Spacex na kasalukuyan nang naghahanap ng lokasyon.
Idinagdag naman ni Caintic na inaasikaso na ng Spacex ang mga dokumento nito sa Securities and Exchange Commission, bukod pa sa mga permit mula sa National Telecommunications Commission at sa DICT.