Itinaas na sa blue alert status ang Armed Forces of the Philippines mula pa noong Miyerkules bilang paghahanda sa APEC Summit.
Kabilang sa mga units na naka-blue alert ang Philippine Army sa Fort Bonifacio, Joint Task Force-National Capital Region (NCR) na naka-base sa Camp Aguinaldo, Philippine Navy Headquarters sa Taguig City at Air Force Headquarters sa Pasay City.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Spokesman Col. Restituto Padilla Jr., may itinalaga ng task force na nakakabit sa security task force ng APEC 2015.
Habang ang ibang unit naman ng AFP ay nasa kanilang mga himpilan sa karatig lugar ng Metro Manila at handang magbigay ng assistance kung kakailanganin para sa seguridad ng APEC Summit.
Ang blue alert status ay nangangahulugan na 50 percent ng mga unit ng AFP ay naka-standby sa kanilang mga himpilan at nakahanda para sa emergency deployment kung kakailanganin.
“Meron po tayong nakatalagang task force na nakakabit na po diyan sa ating security task force ng APEC 2015, at ang ibang unit naman po ay nasa kanilang himpilan sa karatig lugar ng Maynila, na ready naman po silang mag-provide ng assistance kung kinakailangan.” Pahayag ni Padilla.
By Mariboy Ysibido | Balitang Todong Lakas