NANAWAGAN ang kampo ni leading presidential candidate dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., sa mahigit 65 milyong botanteng Pilipino na lumabas at bumoto sa darating darating na Lunes (Mayo 9).
Ang panawagan ay ipinalabas ni Atty. Vic Rodriguez, spokesman at chief of staff ni Marcos, kasabay ng pagpapasalamat sa milyon-milyong supporters ni Marcos na mainit at nagpakita ng suporta sa iba’t ibang campaign activities ng kanilang kampo.
“Unang-una nagpapasalamat ako sa ating mga kababayan sa inyong pagsuporta sa tambalang UniTeam ni Bongbong Marcos at Sara Duterte at kami ay nanawagan sa lahat na ‘yung duty po natin bilang mamamayang Pilipino sa Mayo 9 ay gampanan po natin,” ani Rodriguez sa panayam ni veteran broadcaster Anthony Taberna sa kanyang YouTube channel na “Tune in Kay Ka Tunying!”
“Tayo po ay bumoto at ‘yung mga napili po natin kung sinuman pong napili ninyo, basta exercise your right to vote. Go out early and vote early on May 9 and make sure, please na sama-sama po tayong magbantay nang sa ganon, let the true will and mandate of the Filipino people prevail. Hindi po yung kung kaninong mandato lamang,” sabi pa niya.
Nitong nagdaang Martes, naging matagumpay ang ginawang miting de avance sa Visayas ng BBM-Sara UniTeam sa Guimbal, Ilolilo na dinagsa ng napakaraming mga tao.
Tagumpay din ang miting-de-avance ng tambalan sa Tagum, Davao del Norte at buong UniTeam senatorial slate sa Mindanao, at ngayong araw naman ang pinakahuling miting-de-avance ng UniTeam sa tapat ng Solaire Hotel sa Pasay City.
“Iniimbitahan po namin kayo. Ito po ay tribute ni Bongbong Marcos at Sara Duterte sa inyo bilang pasasalamat for standing by us in this rigorous 90-day campaign.
Magtatapos na po tayo ng kampanya subalit labis-labis ang pasasalamat ni Bongbong Marcos sa lahat ng sumusuporta sa kanya,” dagdag pa niya.
Tulad ng naunang sinabi ni Rodriguez, ang kampo ni Marcos ay nagtitiwala na magiging positibo ang resulta ng halalan, ngunit hindi pa rin sila nagpapakampante hanggang hindi tuluyang natatapos ang eleksiyon.
“Yun ang isang bagay na natutunan niya sa kanyang ama (dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr.) Always run scared and it’s not over until it’s over. And, even yung lagi kong sinasabi sa mga iba’t ibang interview, yung naggagandahan (numero),” sabi niya.
“Iyong mga gorgeous figures that are coming out, survey after survey. Lagi nya lang binibilin dyan, Ka Tunying, enjoy it but only for one minute, for one-minute balik ulit tayo sa trabaho, kayod tayo,” dagdag pa ni Rodriguez.
“Ang tunay at mahalagang survey ay sa darating na May 9, 2022 sa araw ng halalan,” pagbibigay-diin pa niya.
Inamin ni Rodriguez na kahit sila ay hindi makapaniwala sa hindi matawarang init na pagtanggap at pagsuportang ibinigay ng mga kababayang Pinoy kay Marcos.
“Kakaiba talaga. We thought we saw everything noong 2016, noong kampanya ni PRRD na talagang naglabasan ang tao, very pronounced ang suporta. Subalit kami ay nagulat ito nagsimula last year eh when we first go around, mga July nakita na namin bumalik na kami ng Agosto sa Batangas, talagang grabe yung response,” paliwanag niya.
“Pati sa Tacloban noong dumalo lang kami sa Yolanda Memorial subalit sabi nga namin eh baka naman kasi reception ‘yan ng hometown kaya ganyan kalakas yung suporta ng tao. Subalit nung kami ay tumungo sa Batangas dalawang beses kami nagpunta sa Batangas, ganoon na yun,” pagpapatuloy niya.
“From Lipa City to Batangas City yung papuntang kapitolyo, I thought, usually, it takes you 30 minutes lamang pero nung kami na ang nandoon, wala man kaming dalang security naka-coaster lang kami, it took us three hours and a half dahil spontaneous combustion wika nga, “ kuwento ni Rodriguez.
“Naglabasan ‘yung mga tao na walang announcement. Wala kaming inaya na caravan, ‘yung mga naka motor. Talagang it took us three and a half hours at doon na namin nasabi, kakaiba ito. Something must be happening at nagpapatuloy hanggang sa ngayon,” sabi pa niya.
Idinagdag pa nito na: “Of course, kinakailangan kasi masubukan ang isang mamamayan para ma-validate nila yung aking kwento pero kikilabutan ka dahil rally after rally after rally talagang dinudumog siya ng tao”.
Masaya rin aniya siya dahil totoong napakasipag ni BBM at kahit halos wala ng pahinga ay patuloy siya sa mga rally para personal na makasalamuha ang mga tao.
Nagpapasalamat din siya na ngayong matatapos na ang kampanyahan ay nananatiling malakas at malusog si BBM dahil na rin sa mainit na suporta ng milyon-milyong Pilipino.
“Sa awa ng Diyos, matatapos namin ang kampanyang ito hanggang halalan na siya ay malusog at maganda ang pangangatawan,” ani Rodriguez.