Nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) na hindi sakop ang mga taga-suporta sa pagbabawal sa pangangampaniya ng mga kandidato para sa May 9 elections.
Ayon kay Commissioner George Garcia, ang pagbabawal sa pangangampaniya ay mahigpit lamang ipinaiiral para sa mga kandidato at partido politikal.
Sinabi ni Garcia na hirap silang pagbawalan ang mga supporters dahil mayroon silang karapatan na ihayag ang mga katangian ng kanilang iboboto sa halalan.
Dagdag pa ni Garcia, hindi maaaring hulihin ang mga taga-suporta dahil ang illegal campaigning rules ay aplikable lamang sa mga kandidato at political parties.
Iginiit ni Garcia na kahit umabot sa 50 milyong Pilipino ang magpo-post para sa kanilang ibobotong kandidato ay hindi na ito sakop ng prohibisyon ng kanilang ahensya.
Sa ngayon, patuloy na minu-monitor ng COMELEC kung mayroong nagaganap na “mass at group texting” bilang uri ng pangangampanya dahil mahigpit itong ipinagbabawal lalo na kung sangkot dito ang mga kandidato.
Inaasahan naman na aabot sa 65 milyong botante ang boboto ngayong araw.