Posibleng maibaba sa 20 hanggang 30 pesos ang retail price ng bigas na kabilang sa mga ipinangako ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Junior noong kampanya.
Ayon kay Socio-Economic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, Director-General ng National Economic and Development Authority (NEDA), kung “targeted and efficient” ang suporta ng gobyerno sa mga magsasaka ay posible ang nais na mangyari ni Marcos.
Ang pagpapababa anya ng retail price ng bigas sa antas na ipinangako ni BBM ay maaaring matupad sa ilalim ng Liberalized Trade Regime, sa ilalim ng Rice Tariffication Law.
Gayunman, aminado si Chua na posibleng magkaroon naman ng problema kung ang suporta para sa mga lokal na magsasaka ay magmumula sa anyo ng subsidiya na hindi nakatali sa output.
Umaasa naman ang NEDA Chief na hindi babaguhin ng susunod na administrasyon ang Rice Tariffication Law na aniya’y “best model” na mayroon ang bansa upang matulungan ang mga magsasaka at mga consumer.