Tiniyak ng PNP o Philippine National Police na iniimbestigahan nito ang lahat ng insidente ng karahasan sa panahon ng eleksyon.
Ang pagtiyak ay ginawa ni PNP PIO Chief PBGen. Roderick Alba matapos manawagan ang Commission on Elections o COMELEC sa mga Law Enforcement Agencies na tugisin ang mga responsable sa 16 na Election-related incidents.
Nabatid na karamihan sa mga nasabing insidente ay naitala sa Bangsamoro Autonomous Region.
Ayon kay Alba, “committed” ang PNP na resolbahin ang lahat ng beripikadong insidente ng karahasan na iniulat sa pulisya.
Una na ring sinabi ni PNP OIC PLt. Gen. Vicente Danao Jr. na sa pagtatapos ng halalan, tututukan ng PNP ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa lahat ng lumabag sa batas sa panahon ng eleksyon.
Bukod sa mga responsable sa insidente ng karahasan, kasama din sa mga papanagutin sa batas ang mga lumabag sa Comelec gun ban, at iba pang alituntunin ng Comelec.