Nakipagpulong na sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ecowaste coalition upang makuha ang mga makokolekta nilang campaign materials para gawing hollow blocks at eco bricks.
Ayon kay MMDA chairman Romando Artes Jr., lahat ng mga maninipis na tarpaulin ay gigilingin sa waste granulator upang maging sangkap sa paggawa ng hallow blocks habang ang mga makakapal namang tarpaulin ang gagawin nilang eco bags.
Aabot na ani Artes sa 20 tonelada ang kanilang nakolekta sa isinagawang pagbaklas ng mga campaign materials sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Pahayag ng MMDA chairman, inuna nilang linisin ang mga nagkalat at mga nakasabit na tarpaulin ng mga kandidato sa mga paaralan na sadya aniyang napakarami.
Bunsod nito, hinimok ni Artes ang mga kandidato nanalo man o natalo na makipagtulungan sa pagtanggal ng mga campaign posters at tarpaulins sa kalakhang Maynila.
Giit ng opisyal, maari kasing magdulot ng pagbara at pagbaha ang mga ito kapag napunta sa mga daluyan ng tubig gaya ng kanal at mga estero.