Nanawagan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa mga nais mag volunteer para sa manual audit ng election returns (ERs) sa command center sa University of Sto. Tomas.
Ayon sa PPCRV, hindi pa tapos ang manual audit dahil 37% palang ang ERs sa bansa mula sa 98.42% ng kabuuang match rate o napagtugmang audit para sa ERs mula sa Transparency Server.
Sinabi ng PPCRV na wala pang dumarating na ERs mula sa ibang mga bansa kung saan, higit 1% o katumbas nang 34 na ERs ang hindi mapagtugma dahil wala umanong katapat na digital reports kaya muli itong isasailalim sa susunod na matching process.
Mayroon ding 297 ERs ang hindi na maipagtutugma dahil wala na itong katapat na digital reports habang 308 naman ang kailangang idaan sa verification system.
Ayon sa PPCRV, kailangang magtugma sa una at ikalawang batch ang mga na-audit na ERs upang hindi maulit ang verification at pag-encode nito.
Nilinaw naman ng PPCRV na hindi balota kundi mga ER ang kanilang mano-manong ino-audit base narin sa kanilang mandato at nakapaloob sa batas.