Umarangkada na ang week long special COVID-19 vaccination drive sa Maguindanao na layong mapataas ang vaccination rate ng lalawigan.
Ayon kay Dr. Gina Macapeges, pinuno ng Integrated Provincial Health Office-Maguindanao Technical Division, 29% pa lamang ng 322,433 total population ng lugar ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.
Sinabi naman ng Bangsamoro Information Office na 10 kilong sako ng bigas mula sa Ministry of Social Services and Development ang ipinamahagi sa vaccine recipients sa kick-off ceremony ng nasabing programa.
Isasagawa ang special vaccination activities sa mga paaralan, private hospitals, public markets, military camps, at government offices kasama ang mobile teams upang marating ang malalayong lugar.
Maliban sa Maguindanao, idinaos rin ang special vaccination days sa Basilan at Sulu mula Mayo 11 hanggang 13, at nakatakda rin itong isagawa sa Tawi-Tawi at Lanao Del Sur ngayong linggo.
Ayon kay Department of Health Undersecretary Dr. Abdullah Dumama, 28% pa lamang ng populasyon ng BARMM ang nakakumpleto na ng bakuna.