Hiniling ng isang labor group sa gobyerno ang pagpapababa sa cost of living sa gitna ng inaprubahang salary increase para sa mga minimum wage earner, lalo sa Metro Manila at ilan pang rehiyon.
Ayon sa Grupong SENTRO na kung mayroong political will, matutuldukan ng pamahalaan ang overpricing, maibaba ang singil sa kuryente at makapaglalatag ng service contracting para sa public transportation upang maibsan ang epekto ng oil price hike.
Iginiit din ng SENTRO ang agarang pagbuwag sa Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB) dahil umano sa kabiguan nito.
Hindi rin umano sapat ang inaprubahang umento ng RTWPB sa National Capital Region at Western Visayas para sa mga manggagawa upang makarecover mula sa sumadsad nilang purchasing power.
Samantala, inihayag ni National Wages and Productivity Commission Executive Director Criselda Sy na bukas ang NWPC sa anumang panawagang magsagawa ng review sa umiiral na Wage Rationalization Act.