Nadiskubre ng mga otoridad ang malawak na illegal drug trade sa loob ng Quezon City Jail Male Dormitory makaraang masamsam ang aabot sa pitundaang gramo ng kush, mga baril at iba’t-ibang improvised weapons.
Ito’y matapos ang isinagawang dalawang araw na “Oplan Greyhound” ng Quezon City Police District at Bureau of Jail Management and Penology sa loob ng piitan.
Kasunod ito nang sumiklab na riot sa nasabing kulungan noong Biyernes, Mayo 13 na ikinasawi ng isang preso at ikinasugat ng siyam na iba pa.
Tinawag naman ng Quezon City Jail na “Stage Riot” ang insidente dahil base sa natanggap nilang intelligence report, isang grupo o Ang Batang City Jail lamang ang pasimuno ng gulo.
Layunin umanong mapatalsik sa puwesto si Jail Warden, Supt. Michelle Bonto upang malaya silang makapagbenta ng iligal na droga sa loob ng bilangguan.
Ito na sa ngayon ang pinakamaraming kontrabandong nasabat ng mga otoridad sa loob ng Quezon City Jail Male Dormitory.