Sumuko ang limang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa tropa ng gobyerno sa Upi, Maguindanao.
Agad silang iprinisinta ni Lieutenant Colonel Jonathan Pondanera, Battalion Commander ng 57th Infantry Battalion, kay Major General Juvymax Uy, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central sa headquarters ng 57th Infantry Battalion sa Camp Edwards, Barangay Mirab.
Nabatid na sila ay mga kasapi ng East Daguma Front, Sub-Regional Command Daguma, Far South Mindanao region.
Isinuko rin nila ang isang 5.56mm rifle, isang caliber 30 m1 garand at tatlong 12-gauge shotgun.
Hinikayat naman ni Uy ang iba pang mga rebelde na tularan ang ginawa ng kanilang mga kasamahan upang makapiling na ang kanilang mga pamilya at makapamuhay ng maayos.
Samantala, nagpaabot din ng tulong si Lebak Mayor Frederick Celestial sa mga dating rebelde. – sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)