Pinuri ng isang mambabatas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) matapos itong magpaalala sa mga establismiyento ukol sa ‘discount privileges’ ng senior citizens at person with disabilities (PWDs) sa pagbili ng kanilang mga pangangailan sa pamamagitan ng text message o online.
Matatandaang sa mga pagdinig ng House Special Committee on Senior Citizens ay isiniwalat ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes ang mga natanggap niyang reklamo hinggil sa sinasabing hindi pagbibigay ng diskuwento ng maraming establismiyento sa mga senior citizens na gumagamit na ng ‘e-commerce.’
Maliban dito, idinulog din ni Ordanes ang isyu sa Department of Trade and Industry na agad din ipinaalala na ang ‘online at proxy purchases’ ng senior citizens ay sakop ng naaayong diskuwento.
Giti ni Ordanes, base sa Expanded Senior Citizens Act of 2010, ang mga senior citizens ay may pribilehiyo na 20% discount with VAT exemption sa mga produkto at serbisyo.
Ayon sa mambabatas, umigting ang isyu ng hindi pagbibigay ng diskuwento sa senior citizens sa kanilang ‘online purchases’ nang hindi sila palabasin ng bahay dahil sa pandemya.
Batay sa Revenue Memorandum Circular 71-2020 na inilabas ni BIR OIC Marissa Cabreros, ipinag-utos nito sa kanilang field officials na ipatupad ang joint resolution ng pitong ahensya, kasama na ang DTI, Department of Health, Department of Social Welfare and Development at BIR para sa pagsunod ng mga establismiyento sa pagbibigay diskuwento sa senior citizens at PWDs.