Pansamantalang isasara sa publiko ang Manila Zoo simula sa Hunyo 1 upang isailalim sa “maintenance at finishing touches” na bahagi ng nagpapatuloy na redevelopment nito.
Ito ang inanusyo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa kanyang “The Capital Report”.
Ayon kay Yorme, ilang araw lamang isasara sa publiko ang zoo para tanggalin nang tuluyan ang mga harang at tapusin ang rehabilitasyon upang higit na mag-enjoy ang mga bibisita, partikular na ang mga bata.
Hintayin na lamang aniya ang anunsiyo ng lokal na pamahalaang lungsod ng maynila hinggil dito.
Samantala, sa sandali namang magkaroon ng paniningil sa zoo, inihayag ni Domagoso na bibigyan ng 50% discount ang mga senior citizen.