Aabot sa mahigit P1.7-M na halaga ng iligal na droga ang nasabat ng mga otoridad sa dalawang suspek kabilang na ang isang menor-de-edad at isang babae matapos ikasa ang magkahiwalay na buy-bust operation sa Caloocan City.
Base sa impormasyon, alas-4:30 kahapon ng madaling araw nang magsagawa ng joint buy bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), kasama ang bagong Barrio Police Sub-Station 6 at 6th MFC RMFB-NCRPO sa 171 Malolos St., Bagong Barrio, Brgy. 153 sa nabanggit na lungsod.
Inaresto ang isang menor-de-edad habang nakatakas naman ang kanilang target na si alyas “Tipus.”
Huli din sa Buy-bust operation sa BMBA Compound, 3rd Avenue, Brgy. 120, Caloocan City ang isang babae na kinilalang si Rose Ann Gonzales, 35-anyos.
Nakumpiska sa mga inaresto ang 8 kilo ng pinatuyong dahon ng Marijuana na may standard value na P960,000; 28 gramo ng pinatuyong dahon ng Kush na may standard drug price na P67,200; at 100 gramo ng shabu na may standard drug price na P680,000 at buy- bust money.
Nahaharap ngayon ang suspek na si Gonzales sa paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang nasa pangangalaga naman ng SDEU ang menor de edad.