MAGKAKASUNOD na nag-courtesy call kay incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ang apat na diplomats mula sa bansang Amerika, Japan, South Korea at India sa BBM Headquarters sa Mandaluyong City ngayong Lunes ng umaga.
Unang bumisita kay Marcos si Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa dakong alas-9:00 ng umaga, kasunod si South Korean Ambassador Kim Inchul na dumating ganap na alas-10:00 ng umaga.
Bandang alas-11:00 ng umaga ay nagbigay -pugay din kay Marcos si Indian Ambassador Shambhu S. Kumaran, kasunod si US Chargé d’Affaires Heather Variava na dumating bago mag-alas-12:00 ng tanghali.
Sa pakikipagpulong kay Marcos, tiniyak ng mga envoy ang pagpapalakas sa ugnayan sa ‘trade and diplomacy’ ng kani-kanilang bansa sa Pilipinas, gayundin ang iisang layunin sa pagsusulong ng matatag na demokrasya, ‘self-determination,’ at ‘economic recovery.’
“We were able to discuss many of the things that how are we going to handle the next few years in terms of the relationship of our countries,” ani Marcos sa press conference matapos ang serye ng pakikipagpulong sa mga diplomats.
Tiniyak aniya ng apat na diplomat ang kahandaan nilang magbigay ng tulong sa Pilipinas, partikular sa mga programa may kaugnayan sa pagbangon ng ekonomiya na pinalugmok ng pandemya.
“Ang lagi ko lang pinapaalala sa kanila sinasabi ko palagay ko sa pandemyang ito ang recovery ng lahat natin ay hindi kakayanin ng kahit na isang bansa kahit na gaano kayaman kailangan the partnership will be the one that will bring us to keep the global economy as stable as possible,” sabi pa ni Marcos.
“As you know, nakakatanggap na ako ng mga congratulatory messages from heads of states nakausap ko na sila, ang unang nakatawag sa amin ay si US President Joe Biden, and Chinese President Xi,” dagdag pa ni Marcos.
“Also, Japanese Prime Minister Kishida, I even spoke with the outgoing Prime Minister of Australia, PM Morrison who had just went through an election. So, marami na talagang nangyayari, we’re already being recognized, This new administration is being recognized mukha namang wala ng problema sa recognition. Maybe the comfortable margin that we enjoy during the election has a part to play with that,” wika pa niya.
“We’ve been having excellent progress for the past few years, and we look forward to continuing the progress that in the relevance under the new administration,” sabi naman ni Indian Ambassador Kumaran.
Maliban sa Indian ambassador, ang tatlo pang diplomat ay tumanggi nang magpa-interview sa mga mamamahayag.
Sa kanyang panig, siniguro ni Marcos na ang Pilipinas ay nananatiling kaibigan, ka-partner at kaalyado ng apat na bansa.
Si Marcos, ang kauna-unahang majority president simula noong 1986, ay nanalo via landslide sa nakuhang 31 milyon boto nitong nakalipas na May 9 national elections.
Nauna nang nagpahayag ng suporta at pagbati sa paparating na Marcos administration ang mga ‘powerful leaders’ ng bansang US, China, Russia, Japan, South Korea at mga pinuno ng European Union.
Pinuri rin ng mga ito ang pagkakaroon ng malinis, maayos at mapayapang eleksiyon ng Pilipinas.