Posibleng bukas ng hapon o gabi iproklama ng Kongreso ang nanalong Pangulo at pangalawang Pangulo sa May 9, 2022 elections.
Tiniyak ni senate majority leader Juan Miguel Zubiri, co-chairman ng bubuuing joint congressional canvassing committee, na sisikapin nilang tapusin ang canvassing ng mga boto sa loob ng dalawang araw.
Inabisuhan na rin anya ng Kongreso sina presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at presumptive vice president Sara Duterte – Carpio na maghanda para sa posibleng proklamasyon sa kanila.
Miyembro naman ng senate contingent sa canvassing sina senators Nancy Binay, Frank Drilon, Imee Marcos, Ralph Recto, Grace Poe at Pia Cayetano.
Sa sandaling hindi makadalo ang mga ito ay hahalili sa kanila sina senators Lito Lapid, Risa Hontiveros, Koko Pimentel at Ronald Dela Rosa.
Mamayang alas-10 ng umaga inaasahang magko-convene ang senado at kamara bilang National Board of Canvassers.—mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)