Bantay-sarado na ng mga pulis ang paligid ng Batasang Pambansa Complex sa Quezon City sa gitna ng canvassing ng mga boto para sa May 9 Presidential at Vice Presidential Race.
Ayon kay Quezon City Police District Spokesperson, Maj. Wennie Ann Cale, mahigit 3,000 pulis ang ipinakalat upang magbantay sa paligid ng batasan.
Nasa 2,100 anya ay mula sa QCPD habang ang iba pa ay mula naman sa iba pang distrito ng pulisya.
Sarado pa rin sa daloy ng trapiko ang IBP Road upang matiyak ang seguridad at maaari namang dumaan ang mga motorista sa Litex Road bilang alternatibong ruta.
Nagdeploy din ng mga pulis sa kahabaan ng Commonwealth Avenue upang bantayan ang mga nagbabalak na mag-kilos protesta.
Samantala, pinayuhan naman ng Philippine National Police ang mga nais magsagawa ng rally na kumuha muna ng permit mula sa local government unit maging sa mga pulis.