Ipaprayoridad ng bagong administrasyon ang ekonomiya ng bansa sakaling manungkulan na si President elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President elect Sara Duterte-Carpio sa Malacañang.
Matapos ang proklamasyon ni Marcos ay agad niyang sinimulan ang kaniyang trabaho kung saan, nagsagawa ng pagpupulong kasama ang mga lider ng kamara at senado para pag-usapan ang mga dapat gawin para sa mapayapa at maayos na bansa.
Tinukoy narin ni Marcos ang magiging miyembro ng economic team sa ilalim ng kaniyang administrasyon kabilang na diyan ang kasalukuyang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) governor na si Benjamin Diokno na itatalaga sa Department of Finance (DOF).
Papalit naman sa posisyon ni Diokno si BSP Monetary Board member na si Felipe Medalla habang pamumunuan naman ni dating UP President at Management Association President Alfredo Pascual ang Department of Trade and Industry (DTI).
Samantala, plano din ni Marcos na kuhanin si SMC Tollways CEO Manuel Bonoan bilang Public Works Secretary at dating Congressman Anton Lagdameo bilang susunod na Special Assistant to the President.
Sa ngayon, hinihintay pa ni Marcos ang tugon nina Congressman Rodante Marcoleta at Professor Clarita Carlos kung sa tingin nila ay malaki ang kanilang maitutulong sa gobyerno.